ARESTADO ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 7 ang dalawang holdaper nang idaan ng biktimang taxi driver ang kanyang minamanehong taxi sa kalsadang “one way” na nakatawag sa atensiyon ng mga nagpapatrulyang pulis Maynila, kahapon ng madaling araw sa may Jose Abad Santos Avenue corner Solis St.Tondo, Maynila.
Nasa kustodiya ng MPD-PS7 ang mga suspek na si Mark Evasco,33 at Ryan Medina,30,kapwa taga Kawal Kawayan St.Caloocan City.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang mini uzi may laman 6 na bala, 19mm, 1 .45.kalibre na replica,P510. cash at 2 pekeng P1,000 bill.
Ayon sa biktimang si Jessie Mejulio,56,taxi driver,ala 1:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente habang mabagal niyang binabagtas ang LRT station Monumento at pinara ng mga suspek.
Nagpahatid umano ang mga suspek sa Buendia,Pasay at habang binabagtas niya ang Solis St. ay nagdeklara ng holdap ang mga suspek at kinuha ang kanyang kita.
Kasunod nito, ay inatasan siya ng mga suspek na paandarin ang taxi at ihatid sila sa Solis St.
Sa puntong ito,ipinasok ng biktima sa kalsadang “one way” ang taxi na nakatawag ng atensiyon sa mga nagpapatrulyang pulis.
Kaagad na bumaba ang biktima at humingi ng tulong sa mga pulis dahilan para maaresto ang mga holdaper.
Sinampahan ng kasong paglabag sa, Article 293 ng RPC o robbery holdup, RA 10591,at BP 881 illegal possession of firearms and ammunition at Omnibus Election Code ang mga suspek sa Manila Prosecutors Office. (Carl Angelo)