2 guwardiya kumasa sa checkpoint; 2 patay, 2 pulis, sugatan

By: Baby Cuevas

Patay ang dalawang katao kabilang ang isang babaeng tinamaan ng stray bullet habang sugatan naman ang dalawang pulis-Maynila nang magpaputok ng baril ang isa sa dalawang suspek na sinita sa checkpoint kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Rizal Avenue at Soler St. sa Sta. Cruz,Maynila.

Kinilala ni Manila Police District Director PBGen Andre Dizon ang nasawing suspek na si Wilfredo Marquez, Jr., guwardiya at Rosemarie Depaudhon y Mariñas na tinamaan ng ligaw na bala at nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Justice Jose Abad Santos General Hospital.


Tinamaan naman ng bala sa kanang mata si PCpl. Raymark Laurena at sa kaliwang tenga naman si PCpl. Raymond Ocampo, pawang miyembro ng MPD Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU).

Sugatan naman ang suspek na si Bobby Alconera, guwardiya, matapos na makatikim ng bugbog.

Ayon sa imbestigasyon, naganap umano ang insidente alas-9:50 ng gabi noong Agosto 18, 2023, sa may Rizal Avenue malapit sa Soler Street Sta. Cruz, Maynila.


Napag-alaman na nagsasagawa umano ng ‘Oplan Sita’ ang mga pulis na nasugatan kasama ang iba pang tauhan ng Meisic Police Station nang dumating ang dalawang suspek na nakasakay ng Kawasaki Rouser.

Sinita umano ng mga pulis ang dalawa at nang bumaba sa motorsiklo ay biglang nagpaputok ng baril si Marquez, dahilan para makipagbarilan na rin ang mga pulis na ikinasugat ng dalawa sa kanila.


Sinabi ni Alconera na bumaba naman siya pero nagulat siya nang biglang sumigaw si Marquez at pinaputukan ang mga pulis.

Napadaan lamang sila sa lugar at sila umano ay mga guwardiya pero inamin niya na walang lisensiya ang dala nilang baril.


Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang kalibre .45 na baril, mga IDs at mga bala kung saan nakuha ang may 59 na basyo ng bala sa mga suspek.

Patuloy na iniimbestigahan ang suspek kung ano ang lakad nila bukod sa pagiging mga guwardiya.



Tags: Manila Police District Director PBGen Andre Dizon

You May Also Like