Dalawang banyagang fugitives ang inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City at Dumaguete City.
Napag-alaman kay BI Commissioner Norman Tansingco na ang mga naarestong dayuhan na sina Kim Jinsu, 45, Korean, at Malik Dejoun Okojie, 26, American, ay kapwa naaresto ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSU) sa ilalim ni Rendel Ryan Sy sa magkahiwalay na operasyong ikinasa nitong Huwebes.
Nabatid na si Kim ay nadakip sa F.B. Harrison Street sa Pasay City habang si Okojie naman ay naaresto sa kanyang tahanan sa Bgy. Bagumpandan, Dumaguete City.
Lumilitaw sa rekord na si Kim ay lider umano ng isang drug syndicate na nagbigay ng ilegal na importasyon, distribusyon at pagbebenta ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng 5 bilyong won o US$3.6 milyon sa Korea.
Nagpuslit umano siya sa Korea ng anim na kilong methamphetamine, 1.5 kilo ng synthetic drugs at 3,000 tableta ng ecstasy tablets sa pamamagitan ng mga drug mules.
Siya ay subject rin ng arrest warrant na inisyu ng Daejeon district court sa Korea dahil sa kasong paglabag sa Narcotics Control Act sa kanilang bansa.
Napag-alamang si Okojie naman ay inisyuhan ng warrant of arrest ng Denton County district court sa Texas noong Enero 23 dahil sa kasong aggravated assault with a deadly weapon na paglabag sa Texas penal code.
Kinansela na rin umano ng State Department ng Estados Unidos ang US passport ni Okojie, kaya’t isa na siyang undocumented alien.
Ang mga nasabing dayuhan ay kapwa nakapiit na sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay pa ang pagpapa-deport sa kanila at isasama na rin umano sila sa blacklist ng BI upang hindi na makabalik pa sa Pilipinas sa hinaharap.














