Arestado sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang diumano ay mga bugaw nang salakayin ang isang prostitution den sa lalawigan ng Nueva Vizcaya kamakailan.
Kinilala ang mga naaresto na sina Evangelina Escalante at Analyn Estabillo, kapwa nasa hustong gulang.
Ayon sa ulat, sinalakay ng mga tauhan ng NBI-Bayombong District Office ang Sunrise Videoke Bar sa may Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya nitong nakaraang Agosto makaraan ang sumbong ng lantarang prostitusyon.
Una munang nagkasa ng surveillance operation ang mga operatiba hanggang sa makumpirma na nag-aalok ng ‘sex service’ ang mga bugaw at inilalako ang mga babaeng nagtatrabaho bilang ‘guest relation officers’ sa establisimiyento.
Mula P1,500 hanggang P3,000 ang hinihinging bayad ng mga bugaw sa mga lalaking nais ng panandaliang-aliw.
Dito na nagkasa ng entrapment operation kasama ang mga mga lokal na opisyal ng Social Welfare Development Office ng Nueva Vizcaya. Nang kumagat sa pain ang dalawang bugaw makaraang tanggapin ang bayad sa mga operatiba, dito na nagpahayag ng raid ang mga awtoridad at pinosasan ang dalawang suspek.
Hindi naman nadakip ng mga operatiba ang sinasabing may-ari ng bar na kinilalang si Christopher Jun Pernada Domingo na wala sa loob ng establisimiyento nang salakayin ito. May 20 babae ang nasagip ng NBI sa naturang operasyon.
Sinampahan ang dalawang inarestong suspek maging ang may-ari na si Domingo ng kasong paglabag sa R.A. 9208 o “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa Provincial Prosecutors Office ng Nueva Vizcaya. (Carl Angelo)














