2 bangkay, natagpuan sa Rizal

By: Philip Reyes

Dalawang bangkay ang magkasunod na natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Rizal kamakalawa.

Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, unang natagpuan ang bangkay ng biktimang si Janiclear Cahilig, 31, dakong alas-7:30 ng umaga sa Quarry Road, Brgy. Palangoy, sa Binangonan.

Sa salaysay ng testigong si Eric, napadaan umano siya sa naturng lugar at patungo sana sa Mahabang Parang, sa Angono, Rizal nang mamataan ang bangkay na nasa madamong bahagi sa gilid ng kanal kaya’t kaagad itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.


Hinala ng mga awtoridad na gabi pa ng Lunes nang itapon sa lugar ang bangkay ng biktima, dahil walang ilaw at walang CCTV doon.

Lumilitaw sa imbestigasyon na dakong alas-4:00 ng hapon ng Lunes nang huling makita ng kanyang live-in partner na si Roceller Lanon ang biktima.


Ipinagluto pa umano siya nito ng pagkain at saka nagpaalam na maghahatid lang ng pagkain sa kabilang bahay ngunit hindi na ito nakabalik pa.

Ayon naman kay PLT Evangeline Santos, hepe ng Binangonan Police, posibleng hinataw ng matigas na bagay sa ulo ang biktima, na siyang ikinasawi nito.


Samantala, dakong alas-4:00 ng hapon naman kamakalawa nang matagpuan ang bangkay ng isang di kilalang lalaki sa Kawayan St., Brgy. Silangan, sa San Mateo, Rizal.

Naglalakad lamang umano ang isang binatilyo sa lugar nang makalanghap ng masangsang na amoy at makitang maraming langaw sa lugar.

Nang tingnan kung ano ang pinagpipistahan ng mga langaw ay dito na niya nadiskubre ang bangkay ng biktima, na inilarawang nasa hanggang 40-anyos ang edad, nasa hanggang 5’4” ang taas, may piring sa mata, at nakabalot ng kumot at packing tape ang katawan.

Hinala ng mga awtoridad na posibleng salvage ang biktima ngunit masusi pa silang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil dito.

Tags: Binangonan Municipal Police Station

You May Also Like

Most Read