HINDI na nagising sa mahimbing na pagkakatulog ang isang dalawang-taong gulang na batang lalaki matapos na mahulog sa butas na bahagi ng kanilang barung-barong at malunod sa Pasig River,kahapon ng umaga sa may Sta. Mesa,Maynila.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 8,nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard(PCG), ang namamaga nang katawan ng biktimang si John Lucas Almero,taga 2618 Sta.Maria St,Pandacan,Maynila,alas 8:30 ng umaga.
Nalaman sa pinsan ng biktima na si Joana Marie Sta. Iglesia, nalaglag umano ang bata habang natutulog sa kanilang barung barong na nasa tabi ng Pasig river,alas 5 ng umaga at mula noon ay hindi na nakita ang bata.
Nakita umano ang bata na palutang lutang ni Ciriaco Samuya,utility worker 1 ng MMDA kaya kaagad na sinabi sa opisyal ng Barangay ang nakita na siyang tumawag sa PCG at PS8
Wala naman nakitang sugat sa katawan ng bata kaya ipinalalagay na nalunod ito sa Ilog.
Dinala ang bangkay sa funeral parlor para sa awtopsiya. (Jantzen Tan)