By: JANTZEN ALVIN
Nakauwi na rin sa bansa ang 19 pang overseas Filipino worker-returnees mula sa Lebanon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dakong alas-7:46 ng umaga nang ligtas na lumapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City ang mga OFWs, lulan ng Qatar Airways flight QR934.
Mismong si DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac naman ang personal na tumulong sa mga OFWs.
Tiniyak rin ni Cacdac sa mga ito na sila ay pagkakalooban ng kinakailangang tulong at iba pang uri ng suporta ng pamahalaan.
Matatandaang ang mga naturang OFWs ay umuwi sa bansa dahil sa paglala ng tensiyon sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hezbollah, na isang Lebanon-based group na nakikisimpatiya sa mga Hamas.
Anang DMW, sa kabuuan, nasa 61 OFWs na ang nakabalik sa bansa mula sa Lebanon.














