By: JANTZEN ALVIN
Dinakip ng National Bureau of Investigation – Special Task Force (NBI-STF) ang 19 katao na sangkot diumano sa iligal na pagno-notaryo publiko sa iba’t -ibang lugar sa Quezon City nitong Martes.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga inaresto na sina Sheryl Bonifacio at Francisco Uldarico dahil sa paglabag sa Article 172 at 177 ng Revised Penal Code (RPC), gayundin sina Chirester Cancino, Anna Lou Acuna, Elaine Lucena, Chester Adrian Lacayan, Violeta Oraa, Jocelyn Concepciilon,Thelma Concepcion, Maria Cholina Torino, Elma Luod, Virginia Concepcion, Eduardo Concepcion,Violeta Fronda, Val Justine Lacsamana, Chona Concepcion, Marites Longcop, Christopher Casino at Marie Antonette Miranda.
Ayon kay Santiago, nag-ugat ang operasyon sa inihain na reklamo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) laban sa mga pinaghihinalaang illegal notaries public na nag-ooperate sa Quezon City, partikular na sa mga stalls na nasa EDSA C. Plaza, 1105 Congressional Avenue at Bago Bantay, Quezon City.
Napag-alaman na ang mga naturang notary public stalls ay ginagamit ng mga hindi abogadong indibiduwal na nagsasagawa ng notarial acts.
Nagsagawa umano ang NBI-STF ng serye ng surveillance at undercover operations at nang makumpirma ang impormasyon ay ikinasa ang operasyon nitong Oktubre 22,2024 .
Ang mga suspek ay naaresto sa isinagawang entrapment operation.
Sinampahan ng kaso ang mga naaresto sa Quezon City Prosecutor’s Office.














