NAKIPAG-UGNAYAN ang Philippine Coast Guard sa PNP Maritime Police kaugnay sa pag-rescue ng 19 na biktima ng human trafficking sa Bongao , Central Tawi-Tawi.
Ayon sa PCG, nasagip ang mga biktima nang matunton ang kanilang kinaroroonan sa Port of Bongao, Tawi-Tawi na hinihinalang nakatakda nang maglayag papuntang Malaysia .
Hinggil sa nasabing operation ay inalerto ng PCG ang Maritime Police at Maritime Inter-Agency Council Against Trafficking tungkol sa pagsagip sa mga biktima mula sa barkong MV Ever Queen of Asia, na naka-angkla sa bayan ng Bongao.
Sinasabing pawang na-recruit ang mga biktima sa Zamboanga Peninsula.
Matapos sumailalim sa medical examination at imbestigasyon ay agad na rin nai-turnover na sa Ministry of Social Service and Development sa Bongao ang mga biktima para sa psychological counseling at assistance, kasama na ang pagpapauwi sa kanilang lugar.