NAKATAKDANG mag-deploy ng 18,000 alagad ng batas ang Philippine National Police (PNP) para pangalagaan ang mga transportation hubs, thoroughfares, mga sementeryo at iba pang places of convergence ngayong Todos los Santos.
Kahapon ay inihayag ni PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo may sinusundan nang “security template” ang kapulisan hinggil sa mga paulit- ulit na kaganapan gaya ng ‘Araw ng mga Patay,’ kung saan dumadagsa ang mga tao at nagkatipon-tipon sa mga sementeryo .
Nabatid na may mga direktiba na ang lahat ng mga police regional directors mula kay PNP chief Francis Marbil na nasa kanilang security assessment kung kailangang magtaas ng antas ng kanilang alerto kung kinakailangan para mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.
“Nasa 18,802 po ‘yung ating ide-deploy po. At kasama na po sa ating ide-deploy po diyan ‘yung mga ilalagay po natin sa mga police assistance desk sa ating mga memorial parks, at sa mga sementeryo, at pati na rin po sa mga transport terminals to make sure po na maalalayan po natin ‘yung mga kababayan natin na ine-expect po na magbabiyahe,” ani Fajardo.
Napag-alaman din na pakikilusin ng PNP ang kanilang mga reserve forces para ayudahan ang mga police personnel na nananatiling abala sa kanilang recovery at relief operation sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.