18,000 mangingisda, kalahati ng residente, apektado sa oil spill sa Mindoro

May 18,000 mangingisda ng Oriental Mindoro ang lubhang apektado ng oil spill, samantalang nasa 50 % ng mga residente ang dumaranas na ng kagutuman at kakulangan sa pagkain ngayon.

Napag-alaman ito kay Protect Verde Island Passage (VIP) lead convenor Fr. Edwin Gariguez,na nanawagan sa pamahalaan na kumilos upang agarang matugunan ang pagtagas ng langis, at isaalang-alang ang kalagayan ng mga apektadong pamayanan .


Aniya, ang nangyaring oil spill sa baybayin ng Oriental Mindoro ay patuloy na pumipinsala sa mga likas na yaman ng karagatan at hanapbuhay ng mga residente at sa kasalukuyan ay nasa state of calamity na ang siyam na bayan at isang lungsod ng Oriental Mindoro, gayundin ang isang bayan sa Antique dahil sa epekto ng sakuna.

“We call on the Philippine government for most urgent action to contain the spill, assess the severity of damage, and prioritize the welfare of impacted communities who must receive livelihood support and protection from health impacts,” ayon kay Fr. Gariguez.

Hinamon din nito ang RDC Reield Marines Services na nagmamay-ari ng tumaob na MT Princess Empress na panagutan ang nangyaring sakuna.


Aniya, matagal nang isinusulong ng simbahan ang Protect VIP campaign upang mapangalagaan ang Verde Island Passage mula sa mga proyekto tulad ng planong pagtatayo ng fossil fuel powerplants at liquified natural gas terminal.

Tinaguriang “Center of the Center of Marine Shorefish Biodiversity” ang VIP dahil dito matatagpuan ang nasa halos 60-porsyento ng iba’t ibang marine species sa buong mundo. (Jantzen Tan)


Tags: Fr. Edwin Gariguez

You May Also Like