TULUYAN nang masisibak serbisyo ang 18 senior police officers na kabilang sa may 954 third level officers na naghain ng kanilang courtesy resignation matapos na pirmahan ni pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang kanilang pagbibitiw sa tungkulin.
Ito ay matapos na nakipagpulong si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. kay Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa mga inihaing courtesy resignation.
Sinabi ng pinuno Pambansang Pulis na ipatutupad na nila ang courtesy resignation ng 18 opisyal na dinadawit sa iligal na droga.
Ayon kay Acorda, nagpulong na sila ni Pangulong Marcos Jr. kaugnay sa courtesy resignation at dito, tinanggap ng heneral ang mga dokumento na nilagdaan mismo pangulo.
Dahil may lagda na ng pangulo ay tuluyan nang aalisin sa serbisyo ang 18 mga pulis kung saan limitadong benipisyo lamang ang kanilang matatanggap ani Acorda,
Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay tinanggap ni BBM ang pagbibitiw ng 18 police brigadier generals at colonels batay sa rekomendasyon ng National Police Commission Ad Hoc Advisory Group na nag-imbestiga sa kanila.
Ito’y matapos ihayag ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na kanyang tatanggapin ang resignation ng mga tiwaling law enforcer at iba pang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Ipina-alam ni Acorda kay Pangulong Marcos sa pamamagitan ng isang liham ang isinagawang imbestigasyon ng Ad Hoc Advisory Group kaugnay ang pagkakasangkot ng mga third level officers sa ilegal na droga.
Sa 954 pulis na inimbestigahan, hinimok ng grupo si Pangulong Marcos na tanggapin ang pagbibitiw ng 18 police officers.
Sa isang ambush interview noong Martes, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na sisibakin sa serbisyo ang 18 police officers oras na maglabas ng official letter ang tanggapan ni Pangulong Marcos na nagsasaad na tinanggap na ang pagbibitiw ng mga ito.














