Labingwalong elite members ng Philippine Marines ang sumasabak sa ginaganap na Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise 2024 sa Hawaii Islands at Southern California, USA.
Inihayag kahapon ni Marines Public Affairs Office Chief Captain Marites Alamil na makakasama ng mga sundalong Pinoy ang mga miyembro ng United States Marine Forces Pacific (USMARFORPAC) at iba pang marines at naval infantry sa naturang exercise.
Ipinagmalaki pa ng Philippine Marines na ang ‘Rim of the Pacific’ ay ang pinakamalaking international maritime exercise kung saan nagsasama-sama ang mga military forces mula sa iba’t-ibang bansa.
Sinasabing dinisenyo ang naturang simulation drill upang mapalakas ang operational effectiveness ng mga bansa na kabahagi nito, kasama na ang interoperability at mutual understanding sa bawat kalahok na sundalo.
Ayon naman kay Philippine Marine Corps Commandant Major General Arturo Rojas, ang partisipasyon ng Philippine Marines sa RIMPAC 2024 ay nagpapakita sa dedikasyon at pagiging propesyunal ng mga miyembro nito.
Isang malaking karangalan umano na makasama ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas at makipagsabayan sa iba’t- ibang military training.
Pangunahing objective ng RIMPAC ay mapatatag at maipalaganap ang malaya at ligtas na Indo-Pacific region.