Tinanggal na sa kanilang tungkulin ng Department of Justice (DOJ) ang 18 opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagkakasangkot sa bribery scheme na “pastillas scam”.
Inianunsiyo ng DOJ na napatunayan na ang mga nasabing immigration officers at employees ay may administratibong pananagutan na grave misconduct, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ayon sa resolusyon ng DOJ ,kabilang sa mga na-dismiss sa serbisyo sina Francis Dennis Robles, Glen Ford Comia,Rodolfo Magbuhos, Jr.,Deon Carlo Albao, Danieve Binsol,Paul Erik Borja,Abdul Fahad Calaca, Anthony Lopez, Gabriel Ernest Estacio, Chevy Chase Naniong, Danilo Deudor, Ralph Ryan Garcia, Phol Villanueva, Fidel Mendoza, Benlando Guevarra, Bradford Allen So, Cecille Jonathan Orozc, at Erwin Ortañez.
“They facilitated or allowed the facilitation of the arrival and/or departure of Chinese nationals, without undergoing appropriate immigration formalities, for a consideration,” ayon sa pahayag ng DOJ,
Ayon sa DOJ,ang mga sinibak na opisyal at tauhan ng BI ay hindi na papayagan na makapagtrabahong muli sa anumang tanggapan ng gobyerno.
Ang pagsibak sa mga nabanggit na tauhan ng BI ay nag-ugat sa ginawang pagsasampa ng Office of the Ombudsman ng kasong graft laban sa 43 tauhan ng BI dahil sa pagkakasangkot sa ‘pastillas scheme’.
Ito ay matapos umano nilang tumanggap ng suhol para makapasok ang mga Chinese nationals na gumagamit sa sex trafficking at magtrabaho sa Philippine Offshore Gambling Operations workers sa bansa.
Samantala, ipinaliwanag naman ng DOJ na hindi kasama sa isinagawang imbestigasyon ng binuong Fact-Finding Investigation Committee (FFIC) para mag-imbestiga sa ‘pastillas scheme’ sina Marc Red Marinas at Grifton Medina kundi sila ay kasama sa isinampang reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman. (Philip Reyes)














