Arestado ng mga tauhan ng Don Bosco Police Community Precinct ang Isang 18-anyos na lalaki na nagsisigaw at naghahamon ng away habang hawak ang kayang pen gun, kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Revised Ordinance 844 (Breach of Peace) at R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and ammunition) sa Manila Prosecutors Office , ang suspek na si Ivan Berdida y Clemente, ng C 74 Clariven Compound Brgy 123 Tondo, Maynila.
Nagsasagawa umano ng pagpapatrulya sina PCpl Johnnie Ace Andaya at PSSg Lovelie Joyce Austria ng Don Bosco PCP nang makita ang suspek na nagwawala habang hawak ang pen gun at hinahamon ng away ang mga dumadaan.
Naganap umano ang insidente alas -2:45 ng madaling araw sa panulukan ng Mel Lopez Blvd. at Moriones Street sa Brgy 123 Tondo.
Nilapitan nila ang suspek,nagpakilalang mga pulis at sinabihan ang suspek na sumuko na lamang. Kaagad namang sumuko ang suspek at sumama sa mga pulis nang mapayapa.














