ISA lamang ang nakaligtas sa 18 sakay ng isang passenger van na nagliyab matapos na salpukin at makaladkad pa ng nakasalubong na dump truck, kamakalawa ng hapon sa kurbadang bahagi ng national road saklaw ng Barangay Luhong, sa bayan ng Antipas, Cotabato Province .
Sa ulat ng Antipas Municipal Police station, umakyat sa 17 ang nasawi kabilang ang isang sanggol, nang malagutan ng hininga ang isang kritikal na sakay ng passenger van habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Pinaniniwalaang sakay naman ng tumaob na dump truck ang tatlong nakaligtas .
Sa inisyal na imbestigasyon, galing sa katabing bayan ng Arakan ang van at papunta sana sa Kidapawan City nang makasalpukan ang kasalubong na dump truck na umano’y nawalan ng control .
Bigla umanong nagliyab ang van matapos na makaladkad ng sumalpok sa dump truck na naging sanhi para masunog ang mga pasahero nito.
Sa imbestigasyon ng mga kapulisan, may laman na mga bato at buhangin ang truck nang mabangga ang van sa kahabaan ng Barangay Luhong. Bigla umanong mawalan ng preno ang truck kaya hindi na ito nakontrol ng driver.
Nakaligtas ang tatlong biktima subalit nagtamo ang mga ito ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kaya dinala ang mga ito sa pagamutan.
Sinabi ni Police Captain Godofredo Tupas II, hepe ng Antipas PNP, na patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, sa Monkayo, Davao de Oro naman, nasawi ang konduktor ng bus at sugatan ang 22 sakay nito nang bumangga sila sa isang nakatigil na container van sa gilid ng daan.
Hindi umano napansin ng driver ng bus ang container van na nabangga nila sa likuran.
Nagkaroon umano ng problema sa makina ang container van kaya ipinarada ito sa gilid ng kalsada.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung sino sa dalawang driver ang dapat managot sa nangyaring aksidente.