16 miyembro ng BIFF, nagbalik-loob sa pamahalaan

By: Victor Baldemor Ruiz

Nasa kabuuang 16 na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kumikilos sa Maguindanao del Sur ang nagbalik-loob sa pamahalaan nitong Huwebes ng umaga (Mayo 11, 2023).

Ayon kay Lieutenant Colonel Michael Glenn Manansala, Commanding Officer ng 6th Infantry (Redskin) Battalion, ang mga rebelde ay boluntaryong nagbalik-loob upang muling makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya at komunidad at makatulong sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno ng Pilipinas.


“Kasabay ng kanilang pagbabalik-loob, itinurnover din nila ang isang M653 Rifle, isang M16 A1 Rifle, isang 60mm Mortar, dalawang Garand Rifles, dalawang Cal. 30 Sniper Rifles, isang Cal. 50 Sniper Rifle, dalawang M79 Grenade Launcher, isang RPG, dalawang Cal. 7.62mm Sniper Rifles, isang M14 at isang bala ng 40mm RPG”, pahayag ni Lt. Col. Manansala.

Dagdag pa rito, sinabi ni Brigadier General Oriel Pangcog, 601st Brigade Commander na apat sa mga ito ay lider at 12 ay mga regular na miyembro ng BIFF-Karialan Faction. Aniya, 11 sa mga nagsipagbalik-loob ay mula sa pagsisikap ng 6IB habang lima naman sa PNP PRO12.

“Iprineisinta ng 6IB at PNP PRO12 ang dating mga ekstremista kina Mamasapano Mayor Akmad Ampatuan Jr., Atty. Sittie Fahanie Uy – BTA Member, Samsudin Sandigan – Executive Assistant sa bayan ng Datu Salibo, Omar Sisay – Representante sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha kasama ang mga opisyal ng PNP PROBAR at PRO12 sa isang programa na ginanap sa Mamasapano Municipal Hall”, pahayag ni Brig. Gen. Pangcog.


Samantala, iniugnay naman ni Major General Alex Rillera, 6ID at Joint Task Force Central Commander, ang pagdagsa ng pagsuko ng BIFF bilang resulta ng whole-of-nation approach ng gobyerno para isulong ang kapayapaan.

“Ang kanilang pagsuko ay resulta ng magkatuwang na pagsisikap ng militar, lokal na pamahalaan, at kapulisan sa Central at South Central Mindanao”, ayon kay Maj. Gen. Rillera.


Base sa datos ng 6ID, nitong taon, nasa 84 na mga BIFF ang sumuko habang sampu ang na-nuetralize. Aabot naman sa 60 high powered firearms, 4 low powered firearms at 27 na pampasabog ang isinuko.


Tags: Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)

You May Also Like

Most Read