MAY 16 kababaihan na pawang biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy Naval Forces Western Mindanao.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Adeluis Bordado, ibibiyaheUMANO papuntang Malaysia ang 16 katao nang masabat ng Naval Forces Western Mindanao katuwang ang kanilang intelligence operatives at Marine Battalion Landing Team 12 ng Naval Task Group Tawi-Tawi.
Sakay ang 16 na biktima ng Trafficking in Persons (TIP) ng MV KRISTEL JANE 3 NANG harangin sila sa Bongao Pier, Tawi-Tawi kamakalawa ng hapon kasunod ng inilunsad na Joint Law Enforcement Operations.
Ayon sa NFWM Publicc Affairs Office, pansamantalang ibinigay sa pangangalaga ng Tawi-Tawi Maritime Police Station ang mga biktima para sa” proper documentation and appropriate disposition” habang nagsasaagwa naman ng follow-up operation ang mga awtoridad para madakip ang kanilang mga illegal recruiters.
Base sa ulat , ang mga biktima ay kinalap mula sa ibat ibang lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao at isinakay sa MV KRISTEL JANE 3, na umalis sa Zamboanga City bago sila nasagip sa Bongao.
Sinasabing dadalhin muna ang mga biktima sa Tawi-Tawi at mula duon, sa pamamagitan ng sa southern backdoor ay dadalhin sila sa ibat-ibang bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa Malaysia.
Magugunitang kamakailan ay may nasabat ding speedboat ang mga tauhan ng 6th Marine Company sa ilalim ng Marine Battalion Landing Team-6 na nagmula sa Sandakan Malaysia na may sakay na pitong biktima ng Illegal Recruitment and Human Trafficking sa may dalampasigan ng Barangay Poblacion, Turtle Islands Tawi-Tawi. (VICTOR BALDEMOR)














