Ni Itchie G. Cabayan
MAY 15,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nakatakdang ipakalat sa ‘Traslacion’ na nakatakda sa Enero 9, 2026 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila.
Ayon kay Manila Police District spokesperson PMaj. Philipp Ines, bukod sa mga miyembro ng PNP ay magpapakalat din ng mga tauhan mula sa iba’t-ibang ahesiya ng gobyerno upang matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at seguridad sa hanay ng mga deboto na lalahok sa ‘Traslacion’ gayundin sa mga dadalo sa misa at manonood ng prusisyon.
Napag-alaman pa kay Ines na bubuksan sa Maynila ang ilang alternatibong ruta sa dahilang isasara naman ang ilang kalsada upang bigyan-daan ang prusisyon na nilalahukan ng milyong deboto.
Nakalatag na umano ang mga regulasyon ng PNP kaugnay sa mga bagay na ipinagbabawal na dalhin ng mga deboto kung sila ay lalahok sa nasabing mga aktibidad.
Ngayon pa lamang ay nakahanda na at nakalatag na ang lahat ng security preparations kaugnay ng pagdaraos ng ‘Traslacion’ at wala din umanong seryosong banta na namo-monitor ang PNP ukol dito.
Taon-taon ay hindi bababa sa dalawang milyong deboto ang nahalok sa pagdaraos ng ‘Traslacion’.














