Sa loob ng 100 araw, nasa 1,531 high value drug personalities ang nadakip ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin, Jr., ito’y resulta ng joint coordination sa pagitan ng pambansang pulis at ng PDEA sa paglulunsad ng mahigit 12,000 anti-drug operations sa buong bansa sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.
Sa datos ng PNP, kabilang sa mga naaresto ang 13,391 drug personalities na nahuli dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 mula Hulyo 1, hanggang Oktubre 8.
Sa 17 Police Regional Offices (PRO), pinakamaraming high value drug targets ang naaresto ng PRO 7 na nasa 250; kasunod ang PRO 3 na nasa 203; PRO 4A, 156; PRO 11, 132; at NCRPO na nasa 123.
Binigyang-diin pa ng PNP chief na ni-recalibrate nila ang kanilang anti-drug campaign kung saan patuloy na binibigyang prayoridad ang pag-iwas sa patayan at ang pagsasailalim sa rehab ng mga drug dependents.
Magugunitang inakusahan ng isang human right watchdog ang PNP ng undercounting ng mga nasawi sa kanilang mga ikinasang anti illegal drug operation. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














