Aabot sa may 1,500 miyembro ng Manila Police District (MPD) ang ikakalat sa Manila North at Manila South Cemetery sa Nobyembre 1 at 2 para magbigay ng assistance sa mga bibisita sa dalawang sementeryong pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ayon kay PMajor Philipp Ines,Public Information Office chief, sa Oktubre 31 pa lamang ay nasa 700 pulis Maynila na ang itatalaga ng MPD.
Kasabay nito,inaasahan na aabot sa tatlo hanggang apat na milyon tao ang bibisita sa MNC at MSC matapos ang pagsasara nito nang dalawang taon dahil sa pandemya.
Ayon sa pamunuan ng MNC at MSC, ito ay dahil na rin sa pagkasabik ng publiko sa mabisita ang mga namayapang kaanak sa mismong araw ng All-Saints Day at All Soul’s Day.
Samantala, pinaalalahanan ng MPD ang publiko na bawal magdala ng patalim, baril, at ano mang matutulis na bagay. Bawal din ang flammable materials, alak, mga bagay na lumilikha ng malalakas na ingay at bawal ding magsugal.
Bubuksan ang mga sementeryo sa mga nabanggit na petsa mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Sa kabila na “open space” ang sementeryo, hinimok ng pamunuan na magsuot pa rin ng face mask.
Ipinagbabawal pa rin ang mga nagtitinda ng pagkain, bulaklak, at kandila sa loob ng mga sementeryo. (Carl Angelo)














