UMAKYAT na sa 15 ang bilang ng nasawi sa mga sakay ng truck na nahulog sa bangin nitong Miyerkules ng hapon sa bayan ng Mabinay sa lalawigang ng Negros Oriental.
Naganap ang sakuna bandang alas 1:46 ng hapon habang binabagtas ng truck ang pakurbang bahagi ng national highway sa Barangay Bulwang.
Sa imbestigasyon ng Negros Oriental Police Provincial Office, lulan ng trak ang mga biktima mula sa La Libertad at patungo sana sa Mabinay proper upang bumili umano ng buhay na baboy at baka nang mag-overshoot ito sa highway at nagtuloy-tuloy sumisid sa 100 metrong lalim ng bangin.
Sa inisyal na salaysay na nakalap ng mga imbestigador sa mismong driver ng trak na nakaligtas sa sakuna, nawalan umano ng preno ang kanyang trak kaya nawalan siya ng control sa manibela at nagtuloy- tuloy sa bangin.
Ayon kay Jun Caraell, responder mula sa Mabinay Disaster Risk Reduction and Management Office, lumalabas din sa paunang impormasyon na may napansing problema sa sasakyan pero ibiniyahe pa rin.
Dinala sa ospital ang mga nakaligtas habang patuloy pa ang imbestigasyon kung bakit nahulog ang truck sa bangin.
Kinumpirma ni Police Major Nelson Lamoco, hepe ng Mabinay police na umakyat na sa 15 ang nasawi sa trahedya na unang inulat na 14 lamang matapos na mamatay ang isang nasa kritikal na kondisyon .
Dalawa pa umano ang nagtamo ng malubhang pinsala, ayon kay Lamoco, habang inaalam pa ang kondisyon ng iba pang biktima.
Sinabi rin ng mga opisyal na nag-aalaga ng hayop ang mga sakay ng truck at pabalik na sana sa Dawis sa Bayawan City nang magkaaberya ang kanilang sinasakyan.
“Marami po, sir. According sa mga pamilya, nakausap po natin kanina, parang mayroon silang mga puhunan, kaunting puhunan sir, at doon sila bumili ng baboy. Pagkatapos nakabili ng baboy, dito nila isinakay… sa vehicle sir,” ani Lamoco.














