15 CONFIRMED ELECTION-RELATED VIOLENCE

By: Victor Baldemor Ruiz

LABINDALAWANG araw bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Election ay mas pinatindi ng Philippine National Police ang kanilang inilatag na security preparations matapos silang makapagtala ng 15 kumpirmadong election- related violence.

Sa datos ng Philippine National Police, nakapagtala sila ng 85 insidente sa loob ng itinakdang election period para sa BSKE 2023 na gaganapin sa Oktubre 30, 2023 subalit umabot lamang sa 15 ang validated election-related crimes na kanilang naitala.


Ayon kay PNP Chief PGEN Benjamin Acorda, Jr., ang 15 insidenteng may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon ay kinabibilangan ng 11 pamamaril, dalawang kidnapping, isang grave threat at isang indiscriminate firing, habang nabiktima naman ng mga ito ay anim na incumbent barangay captains, isang incumbent barangay councilor, dalawang kandidato sa pagka-barangay captain, apat na kamag-anak ng kandidato, isang tagasuporta ng kandidato at apat na sibilyan.

Subalit tiniyak ni Acorda na puspusan ang ginagawang pagsusumikap ng PNP upang masigurong magiging mapayapa ang idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa buong Pilipinas kung saan katuwang nila ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nabatid na naka-alerto rin ngayon ang lahat ng Unified at mga Division commander ng AFP para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang gaganaping botohan lalo na sa mga kanayunan.


Tags: Jr., PNP Chief PGEN Benjamin Acorda

You May Also Like