Isang 15-anyos na estudyante ang napatay matapos pagtulungang bugbugin ng isang kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) at kasama nito sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ayon Manila Police District – Homicide Section, idineklarang dead on arrival sa Sta.Ana Hospital ang biktimang si Krisnard Alexis Garcia,15, estudyante, ng No. 714B Sen. Neptali Gonzales St., Brgy. Hulo, Mandaluyong City .
Sa imbestigasyon ng MPD, naganap ang insidente alas- 9:10 ng gabi sa F. Manalo St., Brgy.894, Punta, Sta. Ana, Maynila.
Nasa kustodiya na ng MPD ang mga suspek na si Ireneo Cardanio III,alyas Jimwel, 23, SK Kagawad at taga No. 3101 A. Bautista St., Brgy. 894, Punta Sta. Ana, Maynila; at Mark Jhorell Trinidad y Dela Cruz, 18 at taga 3115 A. Bautista St., Brgy. 894, Punta, Sta. Ana, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, bago pinagtulungang bugbugin ng mga suspek ang biktima ay pumunta muna ito sa Barangay at humingi ng tulong dahil binubugbog umano ito ng suspek na si Jimwel.
Habang nasa harap ng Barangay Hall, nakita at hinabol ng mga suspek ang biktima at pinagtulungang bugbugin hanggang bumagsak sa kalsada.
Tinangka umanong awatin ang mga suspek pero hindi pa rin nila tinantanan ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay.
Isinugod ang biktima sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival.
Samantala, nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD-PS6 hanggang sa naaresto ang mga suspek sa lugar.














