14, PATAY SA BAHA

By: Victor Baldemor Ruiz

UMABOT na sa 14 ang ‘reported deaths’ na bina-validate ngayon ng Office of Civil Defense, bunsod ng nararanasang ‘monsoon rains’ sa Mindanao, habang nasa mahigit 200,000 katao naman ang bilang ng mga residenteng apektado ng mga pagbaha dulot ng mga pag-ulan dala ng southwest monsoon sa partikular sa nasasakupan ng BARMM.

Ayon sa ulat, umakyat na sa 14 na katao ang umano’y nasawi dahil sa pagguho ng lupa at baha kung saan karamihan sa mga ito ay mula sa Bangsamoro at Zamboanga Peninsula regions.


Sa inilabas na situational report kahapon ng umaga ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinalanta ng baha ang mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kaya naapektuhan nito ang kabuuang 221,435 indibidwal mula sa 363 barangay sa nasabing mga lalawigan

Nasa kabuuang 21,464 ang na-displace kung saan 20,026 ang inilikas patungo sa mga evacuation centers, habang 1,378 indibidwal ang nanunuluyan sa kanilang kaibigan o kamag-anak.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na agad na magpaabot ng tulong sa mga lugar na apektado ng habagat sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.


Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umaabot na sa 4,165,000 ang naipamahagi nilang financial assistance sa mga apektado ng pagbaha sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.

Apektado din ang kabuhayan ng nasa mahigit 200 magsasaka at mangingisda matapos na mapinsala ang nasa mahigi P17 milyong halaga ng mga pananim.


Ayon sa Pag-asa, inaasahang magdadala ng makulimlim at kalat-kalat na kalupaan ang habagat at low-pressure area sa may Davao City at mga pag-ulan naman sa ilang parte ng bansa.


Tags: National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)

You May Also Like