NASA 14 na lugar na sa Pilipinas ang nasa ‘very high’ COVID-19 positivity rate nang makapagtala ng higit sa 20% habang umabot na sa 15% sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research Group.
Sa pag-aanalisa sa mga datos mula sa Department of Health, tinukoy ni OCTA fellow Dr. Guido David ang mga lalawigan ng Albay, Cagayan, Camarines Sur, Cavite, Isabela, La Union, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Pangasinan, Quezon, Rizal, Tarlac at Zambales ay may ‘very high positivity rates’ nitong Hulyo 29.
Pinakamataas ang sa Isabela na may 36.3%, kasunod ang Tarlac na may 31.6%, Laguna na may 30.9%, Camarines Sur na may 28.4%, Quezon na may 27.5%, Zambales na may 27.2%, Cavite na may 27.1%, Nueva Ecija na may 25.8%, Albay na may 25.4%, Pampanga na may 23.2%, Cagayan na may 22.7%, Rizal na may 21.7%, Pangasinan na may 21%, at La Union na may 20.9%.
Nakapagtala naman ang NCR ng 15% positivity rate mula sa 14.2% noong Hulyo 23.
Ang positivity rate ang tumutukoy sa porsyento ng tao na nagpo-positibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng indibidwal na sumailalim sa Covid test.
Noong Sabado, nakapagtala ang bansa ng 3,996 bagong kaso ng COVID-19 sanhi para tumaas ang mga aktibong kaso sa 33,509.