May na-detect na 14 na Omicron BQ.1 sublineage ng mas nakakahawang BA.5 subvariant sa Pilipinas.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito ang naging resulta ng pinakahuling genome sequencing ng UP-Philippine Genome Center, Research Institute for Tropical Medicine at San Lazaro Hospital mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 18.
Sa 14 na kaso, naitala ang 13 lokal na kaso na mula sa Cordillera Administrative Region, Regions 1, 4A, 7 at 1 sa National Capital Region (NCR).
Hindi naman makumpirma.ng DOH kung ang nalalabing kaso ay isang returning overseas Filipino (ROF).
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang BQ.1 ay itinuturing na “more transmissible and highly immune evasive” kumpara sa ibang Omicron subvariants.
Ayon sa US health regulators, itinataya na ang BQ.1 at.malapit na katulad nito na BQ.1.1 ang nasa likod ng 16.6% ng coronavirus variants sa bansa na malapit nang dumoble mula noong nakalipas na linggo, habang sa Europe,inaasahan umano na magiging dominant variants ito sa loob ng isang buwan. (Philip Reyes)














