UMAABOT sa 137 kasapi ng communist New Peoples Army at lokal na teroristang grupo ang na-‘neutralize’ ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang inilunsad na military operations sa iba’t-ibang lugar sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 31 ngayong 2023.
Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Jorry Baclor, nasa 82 regular members ang na-neutralize ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kung saan 17 dito ang napaslang sa ikinasang combat operations, 20 ang naaresto at 45 ang kusang sumuko sa pwersa ng gobyerno.
Nasa 210 na iba’t -ibang kalibre ng baril ang nasamsam ng military sa engkwentro mula sa hanay ng CPP-NPA, habang may 109 na mga armas naman ang nare-cover mula sa mga sumukong kasapi ng komunistang grupo.
Nasa 51 naman ang nadiskubreng kampo ng mga NPA habang mayroong 87 anti-personnel mines (APMs) ang nakumpiska.
Ipinagmalaki pa ng AFP na mula sa 22 natitirang guerilla fronts ng communist terrorist groups (CTG), tatlo na lamang ang aktibo, habang 19 ang kinokonsiderang ‘weakened’ o malapit nang mabuwag.
Sa teroristang grupo naman na Abu Sayyaf, nasa 30 miyembro nito ang namatay, 28 ang sumuko na at dalawa naman ang nadakip ng mga aworidad. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)