CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Labintatlong kagamitang pandigma ang boluntaryong isinuko sa himpilan ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion sa Brgy. Zapakan, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.
Ang pagsuko ng mga armas ay kasunod ng isinagawang ‘Political Candidates’ Forum’ sa mga tumatakbong kandidato sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Udgie Villan, pinuno ng 33IB, mismong si Mayor Akmad “Butch” Ampatuan, Jr. ang humikayat sa mga residente na isuko ang kanilang mga loose firearms upang makatulong sa pagsulong ng kapayapaan at seguridad sa kanilang lugar.
Agad namang iprinisinta ni Lt. Col. Villan kay Col. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, ang 13 isinukong armas na kinabibilangan ng mga Cal .30 M1 Garand Rifles.
“Ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay bahagi ng mga pagsisikap ng pamahalaan sa ilalim ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program upang matigil ang paglaganap ng mga ilegal na armas, buwagin ang mga armadong grupo, bawasan ang krimen at karahasan, at itaguyod ang kultura ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon,” pahayag ni Col. Catu.
Dinaluhan ang aktibidad na ito ng mga lokal na opisyal, punong barangay at mga kinatawan mula sa Civil Society Organizations, religious sector at iba pang mga stakeholders.
Pinuri naman ni Brigadier General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang inisyatiba ng Local Government Unit (LGU) ng Mamasapano at ang patuloy na pagsisikap ng militar na lansagin ang mga iligal na armas sa rehiyon.
“Sa pamamagitan ng pagsuko ng kanilang mga armas, ipinapakita ng mga lokal na opisyal at mamamayan ng Mamasapano ang kanilang pagsuporta sa isang ligtas at mapayapang halalan sa 2025, gayundin ang kanilang pagtitiwala sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar,” dagdag ni Brig. Gen. Gumiran.














