LABINTATLONG construction workers ang nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation ng Philippine Army intelligence team, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa isang construction sa loob ng Headquarters Philippine Army, Fort Bonifacio, Metro Manila na sinasabing ginawa ring drug den ng mga construction workers.
Ilang heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng kulang sa P100,000 ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation .
Ikinatwiran ng mga nahuling construction worker na nag-aambag ambagan lamang umano sila para makabili ng shabu at upanga mapanatiling alerto at aktibo sila sa kanilang trabaho.
Nabatid kay Philippine Army spokesman Col. Xerxes Trinidad na isinagawa ang pinagsanib na drug sting matapos ang halos isang buwang surveillance .
Isang tauhan ng PDEA ang nagpanggap na poseur-buyer at nakapagsagawa ng bilihan ng droga sa mga suspek sa sinasabing drug den sa loob ng construction site.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang 13 suspek.
“As one of the organizations that help keep the peace and order in our society, the Philippine Army will always be one with the national government in its campaign to eliminate the scourge of illegal drugs, the Philippine Army leadership emphasized. The Philippine Army does not condone illegal activities in its camps which are drug-free zones,” ayon sa pamunuan ng Hukbong Katihan. (VICTOR BALDEMOR)














