Nasawi ang 13-anyos na binatilyo matapos maanod ng malaking alon habang lumalangoy,kamakalawa ng gabi sa ilalim ng Infanta Bridge, Brgy. 96, Tondo, Maynila.
Ayon sa Smokey Mountain Police Community Precinct, nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pangunguna ni Po1 Joel Mendez, ang biktimang si Khaydel Buensoleso y Busante,ng 2139 Simoun St., Brgy 96 Tondo, Maynila,ilang minuto matapos itong malunod sa alon.
Mabilis na isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima pero idineklarang dead-on- arrival alas- 6:51 ng gabi.
Sa imbestigasyon,sinabi ng testigong si Nelson Diaz,53, na nagsu-swimming umano ang biktima sa Infanta river nang hampasin ng malaking alon, dahilan para higupin sa ilalim ng tubig ang biktima.
Nang malaman ng ina ng biktima ang insidente ay kaagad itong ipinaalam sa SM- PCP na siyang tumawag sa PCG para hanapin ang biktima.