Agad na nasawi ang isang 13-anyos na binatilyo matapos na biglaang umarangkada ang isang nasiraang trailer truck at masagasaan ito, habang tumatawid sa Mel Lopez Boulevard corner Española Street, Tondo, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit-Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU-VTIS), nakilala ang nasawi na si Amado Del Prado, estudyante at taga-PC8 Area GK Compound, Tondo.
Naganap ang insidente alas 3:30 ng hapon sa nabanggit na lugar.
Nasira umano ang makina ng trailer truck na may plate # ABJ 9923 at minamaneho ni Pedro Operio, ng No. 89 M Sioson St., Dampalit, Malabon City.
Nakahinto umano ang trailer truck sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard corner Española Street, Tondo, Manila, nang bumaba ng truck ang helper at nilagyan ng tubig ang radiator nito.
Bigla umanong umarangkada ang trailer truck at nasagasaan ang tumatawid na biktima na naging sanhi ng agaran niyang pagkasawi.














