123 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING NASAGIP; MGA BARIL AT DROGA, NAKUMPISKA RIN NG PHIL. NAVY

By: Victor Baldemor Ruiz

Nasa 123 trafficking-in-persons ang na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Navy bukod sa mga nakumpiskang high-powered firearms at shabu sa Tubalubac Island, Barangay Aluh Bunah, Pangutaran, Sulu.

Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, Jr., isang surprise law enforcement operation ang inilusad ng Naval Task Force-61 na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM).

Ayon sa ulat ng NFWM, isinasailalim sa forced labor, partikular sa spearfishing, ang mga nasagip na biktima na karamihan ay mula sa Cebu at Bohol. Pinapagamit din umano ng iligal na droga ang mga biktima para matiis ang trabaho.


Nakuha sa isinagawang operasyon ang ilang baril, bala, magazine, gamit sa pampasabog at nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu sa loob ng bahay ng isang ‘Jammang’.

Nakatakas naman ang grupo ng mga recruiter at handler, kabilang si ‘Jammang’ at ang 15 kasabwat na bitbit ang ilang high-powered firearms na target ngayon ng manhunt operation.

Nasa kustodiya na ng Ministry of Social Services and Development-BARMM ang mga biktima.


Tags: Naval Forces Western Mindanao (NFWM)

You May Also Like

Most Read