1,213 DRIVER AT KONDUKTOR, SUMALANG DRUG TEST NITONG UNDAS; 22 NAG-POSITIBO

By: Jesse Ruiz

NASA 1,213 na mga driver, konduktor at maging mga tricycle driver ang isinalang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ‘surprise drug test’ nitong Undas sa ilalim ng kanilang OPLAN Harabas sa region 9.

Sa nasabing bilang, umabot sa 22 public utility vehicle (PUV) drivers sa Zamboanga Peninsula ang nag-positibo sa paunang resulta ng drug testing na isinagawa sa iba’t ibang transport terminal bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng Todos Los Santos .


Isinagawa ang sorpresang operasyon na tinawag na “Oplan Harabas” ng PDEA Regional Office IX (PDEA-RO9) katuwang ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine National Police (PNP), mga lokal na anti-drug abuse council at pamunuan ng mga bus terminal at Rural Transit Mindanao, Inc.

Kabilang sa mga nag-positibo ang 17 tricycle driver, tatlong jeepney driver, isang bus driver at isang van driver.

Pinakamaraming naitalang nag-positibo sa Zamboanga City na may 10 kaso, sinundan ng Zamboanga del Sur na may lima, Zamboanga del Norte na may apat at Zamboanga Sibugay na may tatlo.


Ayon sa PDEA-RO9, sasailalim pa sa laboratory confirmatory testing ang mga paunang positibong resulta at pansamantalang kinumpiska ng LTO ang mga lisensya ng mga driver habang hinihintay ang opisyal na resulta.

Ayon sa PDEA, lahat ng driver na makukumpirmang positibo ay ire-refer sa kani-kanilang local anti-drug abuse council para sa kaukulang rehabilitation at intervention programs.


Bukod sa drug testing, nagpakalat din ang PDEA ng mga K-9 unit upang inspeksyunin ang mga bagahe ng pasahero sa mga pangunahing terminal at maiwasan ang pagdadala ng iligal na droga sa mga pangunahing ruta ng transportasyon.

Bukod sa surprise drug test ay namahagi rin ang mga awtoridad ng information, education and communication materials upang mapalawak ang kaalaman ng mga commuter tungkol sa pag-iwas sa iligal na droga.


Pinapurihan ni PDEA-RO9 Regional Director Bryan Babang ang kooperasyon ng mga katuwang na ahensya, lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Ayon sa PDEA-RO9, regular na ipagpapatuloy ang mga operasyon sa ilalim ng Oplan Harabas sa buong rehiyon upang matiyak ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan ng publiko.



Tags: Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

You May Also Like

Most Read