Dalawang linggong isasagawa ang simultaneouslibreng flu vaccine para kina lolo at lola upang maging protektado sila sa sakit at malabanan ang komplikasyon kung sila ay bakunado.
Ayon kay Mayor Lani Cayetano, mahalaga ang taunang flu vaccine lalo na sa mga edad 60 pataas dahil mas mahina na ang kanilang immune system at mas mataas ang panganib sa malalang komplikasyon gaya ng pneumonia.
Paliwanag ng mga health experts, mas mataas ang panganib ng mga senior citizens sa pagkakaroon ng “pneumonia at iba pang respiratory illnesses” dahil mas mahina ang kanilang resistensya habang tumatanda.
Libre ang bakuna para sa mga kwalipikadong senior citizens ng Taguig, partikular sa mga rehistradong residente na may senior citizen identification card.
Hinihikayat naman ng lokal na pamahalaan ang mga pamilya na samahan at hikayatin ang kanilang mga magulang at lolo’t lola na samantalahin ang libreng serbisyong pangkalusugan bilang proteksyon laban sa sakit.
Sa ilalim ng programa, target mabakunahan ang tinatayang “120,000 senior citizens” mula sa 38 barangays bilang bahagi ng hakbang ng LGU upang mapanatiling malusog at ligtas ang mga senior citizen sa lungsod.
Kasabay nito, tiniyak ng lungsod na nakahanda ang mga health workers upang gabayan ang mga magpapabakuna at agad tugunan ang anumang concern. (TONY GILDO)














