Latest News

120 LUGAR NASA “RED SPOT”; 16,800 POLICE NA NASA SCHOOLING, PAKIKILUSIN

INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police na binigyan nila ng election duties ang may 16,800 na pulis na kasalukuyang sumasailalim sa pag-aaral at mga pagsasanay sa buong bansa para makatulong sa pagtiyak na magkakaroon ng SAFE (Secure, Accurate, Free & Fair Elections).

Sa inisyal na listahan ng PNP na isinumite sa Commission on Election, may 105 bayan at 15 lungsod sa buong bansa ang tinukoy ng pamahalaan bilang “red” spots para sa May 9 elections.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año sa isinagawang joint conference ng DILG, COMELEC at PNP, ito ang areas na tutukan ng pambansang pulis para maiwasan ang gulo at masigurong maayos ang magiging halalan.


Samantala, sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations Head Police Lt. Gen. Ferdinand Divina na nasa kanila na ang listahan ng mga lugar at nakikipag-ugnayan na sila sa Commision on Elections (COMELEC).

Nabatid na hindi pa isinapubliko ng COMELEC ang listahan habang patuloy na sumasailalim sa validation ang mga datos.

Kaugnay sa security preparation, napagpasyahan ng PNP na bigyan ng “election duty” ang 16,800 pulis na kasalukuyang sumasailalim sa “mandatory career courses” at “field training”.

Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos sa Camp Crame ang paglipat ng mga nasabing pulis mula sa pamamahala ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) patungo sa PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).


Sa ginawang pagpupulong, nabatid na ang PNP National Headquarters sa Camp Crame ay may 1,007 pulis, kabilang ang 611 Police Commissioned Officers (PCO) na sumasailalim sa pagsasanay ng Officers Senior Executive Course (OSEC), Officer’s Advance Course (OAC), Public Safety Basic Officer’s Course (PSOBC), at 396 Police Non-Commissioned Officers (PNCO).

Nasa 15,813 PCOs at PNCOs naman na nasa 17 Police Regional Offices ang inilipat sa pamamahala ng mga Regional Task Groups ng PNP Security Task Force NLE 2022.

Mahigpit naman ang paalala ni PNP chief sa mga pulis na magbigay ng propesyonal, mabilis at magalang na serbisyo sa mga mamamayan sa pagganap nang kanilang election duty

Samantala, sa nasabing joint conference sa Camp Crame ay inihayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na bineberipika pa rin nila sa ngayon ang listahan na isinumite sa kanila ng Philippine National Police (PNP).


Paliwanag ni Jimenez, hindi maaaring pagbasehan lang ang kasaysayan ng mga lugar para matukoy ito na ‘areas of concern’.

Kailangan umanong makita raw muna kung bumuti na ang sitwasyon ng mga magkakalaban dito at kung may banta ng mga armadong grupo. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Philippine National Police

You May Also Like

Most Read