12 PULIS, NAABSWELTO SA 2013 ATIMONAN, QUEZON SHOOTOUT

By: Itchie G. Cabayan

ABSWELTO ang 12 pulis, na kinabibilangan ng isang police colonel, sa kasong multiple murder kaugnay ng kontrobersiyal na shootout sa Atimonan, Quezon noong 2013, na nagresulta sa pagkamatay ng 13 katao.


Ayon sa desisyong inilabas ni Manila Regional Trial Court Branch 27 Judge Teresa Patrimonio-Soriaso, napag-alamang kabilang sa mga inabswelto sa kinakaharap nilang multiple murder charges sina PCol. Hansel Marantan, Ramon Balauag, Grant Gollod, John Paolo Carracedo, Timoteo Orig, Joselito de Guzman, Carlo Cataquiz, Arturo Sarmiento, Eduardo Oronan, Nelson Indal, Wryan Sardea at Rodel Talento.

Ayon sa desisyon ng korte na na-promulgate noong Hunyo 23, ang mga naturang pulis ay tumupad lamang sa kanilang tungkulin at naharap sa ‘actual’ at ‘imminent danger’ sa isinagawa nilang operasyon na ang target ay ang umano’y jueteng lord na si Vic Siman.

Ang mga pulis at militar ay gumamit ng rasonableng puwersa sa operasyon, dagdag pa ng korte.


Tinukoy rin nito ang tinamong seryosong pagkasugat ni Marantan bilang patunay sa ‘unlawful aggression’ ng mga suspek.

“In the face of actual and imminent danger to their lives and limbs, with the information that the occupants of the Montero SUVs (sport utility vehicles) were fully armed, the policemen and soldiers acted swiftly,” ayon pa sa desisyon.


“The force used to overcome the unlawful aggression was reasonable,” anito.

Kaugnay niyan ay ipinag-utos din ng hukuman na kanselahin at i-release na ang bail bonds ng mga akusado: “The bail bonds posted by each of the accused for their provisional liberty are ordered canceled and released.”


Samantala, ang kaso naman laban sa isa pang pulis na si Bhazar Jailani ay in-archive habang hindi pa ito naaaresto.

Matatandaan na naganap ang nasabing operasyon noong Enero 6, 2013 sa Maharlika Highway sa Atimonan.

Sa ulat ng mga awtoridad, dalawang SUV na kinalululanan nina Siman at kanyang mga kasama ang nagtangkang bumangga sa isang checkpoint, na nagresulta sa engkwentro.



Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na ang engkwentro ay isang lehitimong operasyon laban sa isang gun-for-hire syndicate, ngunit inilarawan ito ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang isang rubout.

Tags: Manila Regional Trial Court Branch 27 Judge Teresa Patrimonio-Soriaso

You May Also Like