NAGKAKAHALAGA ng P12 milyon ang panibagong nasabat na smuggled na sibuyas ng Bureau of Customs (BOC) sa Misamis Oriental nitong Hulyo 19.
Sa ulat ng BOC, apat na container vans ang kanilang hinarang sa may Mindanao Container Terminal Port sa PHIVIDEC Compound sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Dumating sa bansa ang shipment nitong Hulyo 12 mula sa China at naka-consign sa Primex Export and Import Producer. Idineklara na naglalaman ito ng “Spring Roll Patti” base sa Inward Foreign Manifest.
Nitong Hulyo 13, naglabas si District Collector Elvira Cruz ng Pre Lodgment Control Order (PLCO) laban sa shipment. Dito nagkasa ng physical examination ang BOC kasama ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Plant Industries (BPI).
Tumambad sa mga inspektor ang mga pula at puting sibuyas na kontra sa nakasaad sa deklarasyon ng shipment. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P12 milyon.
Naglabas na ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment dahil sa paglabag sa Section 1400 ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act. (Philip Reyes)