Latest News

12-katao, inaresto ng NBI sa ‘GCash account for rent’

By: Baby Cuevas

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ,ang 12 indibiduwal kaugnay sa ‘unlawful procurement’ o labag sa batas na pagrenta ng mga SIM cards na may beripikadong GCash account.

Kabilang sa mga inaresto sina Lau Wen Xiang, Malaysian national; at mga Filipino na sina Aldwin Villena Cañon, RJ Vincent Abdulhamid, Alkhaizar Sahali Jambiran, Rayan Panayam Apostol, Aira May Sahali Jambiran, Sherwin Dave Cahanap Cruz, Kier John Salazar Parong, Jasper Philander Viscayno, Datu Jonathan Tasil Mama, Jonalou Tayomora Salazar, at Almoner Ladjahali Ladja.

Ang pag-aresto ay isinagawa ng NBI- Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD), sa serye ng operasyon noong Nobyembre 9 -10, 2023, sa Maynila, Quezon City, at Parañaque City dahil sa mga kasong paglabag sa Section 9 (c), (d), at (e) Republic Act 8484 o Access Devices Act of 1998; paglabag sa Section 4(a)(1) (Illegal Access) at 4(b)(1)(i) (Computer-related Forgery) ng R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012); at paglabag sa Section 11(e) ng R.A. 11934 (SIM Card Registration Act of 2020).


Napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang NBI hinggil sa mga indibidwal mula sa isang Facebook group na naghahanap ng mga GCash account holders na may beripikadong account status at may wallet limit na hanggang P500,000, na handang magpa-renta ng kanilang accounts.

Ibinulgar pa ng complainant na ang naturang GCash accounts ay hindi na magagamit ng account holders at sa halip ay ibibigay sa mga naturang indibidwal bilang casino loaders, habang ang mga may-ari naman ng SIM cards ay aalukin ng P2,000 bilang bayad at P2,000 pa para sa mga susunod na buwan bilang rental fee sa kanilang accounts.


Nakumpiska ng NBI sa mga suspek ang 13 units ng desktop computers, 40 pirasong GSMs Modems/Text Blasters, 57 mobile phones, 1 unit Laptop, at monitor, at tinatayang 50,000 piraso ng SIM cards.


Tags: National Bureau of Investigation (NBI)

You May Also Like

Most Read