Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nakapagtala pa sila sa bansa ng 11,995 na bagong kaso ng COVID-19, mula Oktubre 17 hanggang 23.
Batay sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 1,714.
Mas mababa anila ito ng 22 porsiyento kung ikukumpara sa mga kaso noong Oktubre 10 hanggang 16.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, apat ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Samantala, mayroon namang naitalang 272 na pumanaw kung saan 26 ay naganap noong Oktubre 10 hanggang 23.
“Noong ika-23 ng Oktubre 2022, mayroong 650 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,520 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 581(23.1%) ang okupado,” anang DOH.
Samantala, 5,666 (26.4%) ng 21,474 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan na din umanong ginagamit.
Higit sa 73 milyong indibidwal o 94.09% naman na ng target na populasyon ng pamahalaan, ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 20 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.19% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ng DOH sa lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” dagdag pa ng DOH.