Tuluyan nang sinibak sa pwesto ang nasa 117 tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, matapos na madagdagan pa ng 20 ang bilang ng mga sinibak sa puwesto mula sa dating 97 na mga tauhan ng nasabing departamento ng kapulisan.
Ayon kay PDEG Director PBGEN Faro Olaguera: “This is an ongoing na ginagawa natin as part of the internal cleansing natin. Gusto kasi natin na sabi ko nga walang bahid, walang mantsa yung maiiwan dito sa PDEG. “
“So kailangan natin linisin ang hanay as far as we can para in the way ahead, ay sa akin lang on a personal note, kung maaari wala na kontrobersya na susunod kasi alam niyo naman itong controversy na nangyari ay nakakalungkot, nakakaligalig lalo na sa uniformed personnel na magtatanong bakit nangyari ito,” ani Olaguera.
Nabatid na nadagdagan pa ng 20 ang mga nasibak sa pwesto kabilang na ang 13 pulis na sinasabing may koneksyon sa isyu ng 990 kilog biggest drug haul, habang ang pito naman ay dahil sa iba pang dahilan.
Dagdag pa ng opisyal, sa ngayon ay nasa mahigit 1, 000 mga tauhan ng PDEG ang sumasalang na sa refresher course kasabay ng pagtitiyak na patuloy ang kanilang isinasagawang mahigpit na pagsasala sa kanilang mga tauhan.
Una nang iminungkahi ng mga tauhan ng PNP-Special Action Force ang italaga sa PNP-PDEG dahil sa malinis at tapat na dedikasyon ng mga SAF sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Ayon kay Olaguera, welcome sa kanya at suportado niya ang plano ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda, Jr. na i-deploy ang ilang mga tauhan ng Special Action Force sa PDEG.
“Sa akin naman, personally, napakaganda ‘yun kasi nga alam n’yo naman ‘yung reputation ng SAF. Napakagandang direction ‘yun, way ahead sa PDEG na magkakaroon ng SAF troopers dito,” aniya.
Samantala, inihayag ni PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo na ipinag-utos na ni Gen. Acorda ang mas mahigpit na ‘vetting process ‘ sa mga sasabak sa drug operations.
Kapwa nagsasagawa ng congressional inquiry ang dalawang kapulungan na may kaugnayan sa iligal na droga partikular sa hanay ng kapulisan na hinihinalang sangkot sa kalakalan ng shabu, gaya sa mga nadadawit sa 990 kilos ‘shabu haul’ sa Tondo, Maynila.














