117 senatorial aspirants, idineklarang ‘nuisance’ ng Comelec

By: JANTZEN ALVIN

Nasa 117 senatorial aspirants para sa 2025 National and Local Elections (NLE) ang idineklara bilang ‘nuisance candidates’ o ‘panggulong kandidato’, base sa rekomendasyon ng Law Division ng Commission on Elections (Comelec).


Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, dinesisyunan na ng First at Second Divisions ng poll body ang motu proprio petition laban sa naturang 117 senatorial aspirants.

Kaagad namang nilinaw ni Garcia na maaari pang i-apela ng mga naturang kandidato ang nasabing desisyon.

Maaari umano silang maghain ng ‘motion for reconsideration’ sa Comelec en banc o di kaya ay temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema.


Napag-alaman na sa ngayon ay mayroon na umanong anim na aspirants na idineklarang panggulong kandidato, ang naghain na ng apela sa Comelec en banc.

Matatandaang nasa kabuuang 183 senatorial aspirants ang naghain ng certificates of candidacy (COC) sa Comelec para sa 2025 National and Local Elections (NLE).


Sa naturang bilang ay 66 lamang ang idineklarang lehitimong kandidato ng Comelec Law Department at inaasahang mapapasama sa opisyal na listahan ng mga kandidato sa pagka-senador sa halalan sa Mayo 12, 2025.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like