UMAABOT sa 11,558 most wanted at iba pang mga pinaghahanap na kriminal ang nadakip ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa loob ng nakalipas na taon.
Ito ang inihayag ni CIDG Director PMGen. Romeo Caramat Jr. kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-71st Founding Anniversary.
Sa nasabing event ay ipinagmalaki ni Mgen Caramat ang naging accomplishment ng Criminal Investigation and Detection Group mula January 1 hanggang December 31, 2023.
Nangunguna sa kanilang listahan ang inilunsad nilang 11,424 manhunt operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 11,558 most wanted at iba pang wanted criminals.
Kabilang dito ang police operation laban sa mga organized crime group na nagbunga ng pagkaka dakip sa may 54 criminal gangs leaders at 442 crime group members.
Habang may may 125 communist and local terrorist groups din ang kanilang naaresto kung saan siyam dito ang nasampahan ng kaukulang kaso.
Bukod dito ay aabot din sa kabuuang 1,990 loose firearms, 435 explosives, at 41,244 assorted ammunition naman ang nasabat ng PNP-CIDG mula sa 1,370 police operations na kanilang isinagawa sa kaparehong taon.
Sa kampanya kontra illegal number games at iba pang mga sugal ay nakakumpiska ang CIDG ng ?3.9M halaga ng bet money at nakaaresto ng mahigit 2,000 suspek mula sa higit 1,000 nilang police operations.
Habang sa kampanya laban sa Smuggling, Manufacturing, Distribution, and Trading ng Counterfeit Products/Items ay pumapalo naman sa Php16.2 billion na halaga naman ng mga pekeng produkto ang nasamsam ng mga awtoridad.
Kung saan inaresto ng CIDG ng 600 economic saboteurs mula sa 303 operasyon.
Tiniyak ni Caramat na magpapatuloy ang CIDG sa kanilang misyon at paiigtingin pa ang kanilang kampanya sa lahat ng uri ng iligal upang lalo pababa ang krimen sa bansa alinsunod sa 5-Focused Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.