ITINATAYANG nasa 115 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Angeles City Police Station mula sa tatlong suspek sa Pampanga.
Sa isang townhouse sa Barangay Pampang, Angeles, Pampanga, nakumpiska ang nasa 85 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P550, 0000.
Isang Chinese national at isang kasama nitong Pilipina ang dinakip ng pinagsanib na puwersa ng PDEA RO-NCR Manila District Office, PDEA RO III RSET 1 at Angeles City Police Station 2.
Ayon sa ulat, dakong alas-10 kamakalawa ng umaga nang inilunsad ang buy-bust operation sa Timog Hills Townhouse, Barangay Pampang, Angeles City, Pampanga, subalit biglang nagkaroon ng pangangailangang medikal ang nadakip si Willy Tan Zhang @Ching, 51, isang Chinese national na idineklarang dead-on-arrival nang itakbo sa pagamutan,
Kinilala naman ang inarestong kasamahan nito na Reziel Barelos Manalo,30, ng Sitio 6, Muzon, San Juan, Batangas
Samantala, nasa 30 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat naman sa kaparehong barangay mula rin sa isang Chinese at kasama nitong Pilipino sa kahabaan ng Poinsettia Ave, Brgy. Pampang, Angeles City.
Batay sa report ng mga operatiba kay PDEA Director General Amoro Virgilio Lazo ay kinilala ang mga nadakip na sina Mark June Barsaga ‘aka MacMac na ‘subject’ ng buy-bust, residente ng 23 Dalahican St., Sta. Teresa, Purok 7, Lucena, Quezon Province, at Yi Xin Li, Chinese national 49, ng 1280 Jose Abad Santos Ave., Tondo, Manila.
Unang nakuha sa buy-bust operation ang isang kilo ng hinihinalang shabu, subalit naka-recover pa ng karagdagdang 29 kilo ng hinihinalang shabu; boodle money na ginamit sa operation; tatlong cellular phone; dalawang identification card at isang unit ng metallic grey na Toyota Avanza na may plate no. ABQ -9912
Mahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)