KAHAPON ay muling nagpulong ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa May 9, 2022 at may 114 lugar ang kinategoryang mga areas of concerns .
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, nagpatawag siya ng command conference upang magkaroon ng “assessment” sa mga security situation ng mga rehiyon.
Base ito sa kanilang pinairal na color coding identifications at ang red category ang itinuturing na pinakamataas na alerto pagdating sa seguridad habang green naman ang pinakamababang alerto o inaasahan ang payapang eleksyon.
Nabatid na may 100 munisipalidad at 14 na siyudad sa bansa ang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na isailalim sa red category ngayong May 2022 election, ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos.
Sa paliwanag ni Gen. Carlos, ang mga lugar na ito may mga naitalang insidente ng karahasan, may matinding tunggalian sa pulitika at may presensiya ng mga private armed groups na maghasik ng kaguluhan .
Una ng inatasan ng PNP chief ang mga unit commanders na tutukan ang mga lugar na nasa red category nang sa gayon maging kontrolado ang sitwasyon.
Matatandaan na sinabi ng Commission on Election (Comelec) na nasa 300 na mga areas of concern o election hotspots ang kanilang tinitignan subalit hindi naman nila ito in-identify ang mga lugar dahil isasailalim pa umano ito sa validation and verification.
“So meron tayong color coded, meron tayong green, wala tayong magiging problema sa green areas. Yun pong yellow and orange binabantayan po natin but we focus on the red colored areas,” paliwanag pa ni Gen. Carlos.
Magugunitang nagkaroon din ng pagpupulong ang Armed Forces of the Philippine , PNP at Commission on Election hinggil sa pagtukoy ng mga areas of concerns at paano ito makokontrol para matiyak na magkakaroon ng Malaya, maayos, tapat at malinis na eleksyon.
Una ring inihayag ng Philippine Army na COMELEC ang siyang tutukoy o magsasabi ng mga lugar na kinokonsiderang mga nasa hot spots o areas of immediate concerns. (VICTOR BALDEMOR)