Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na natapos na ng South Korean firm na Miru Systems Inc. ang may 110,000 automated counting machines (ACMs) na gagamitin para sa nalalapit na May 12, 2025 National and Local Elections (NLE).
Nakatakda na rin umanong i-deliver ng Miru sa bansa ang huling batch ng mga ACMs sa susunod na buwan.
Ayon sa datos ng poll body, nasa 10,000 ACMs ang nakatakdang ihatid ng mga truck sa Busan Port sa South Korea upang ihatid sa Pilipinas at sa kasalukuyan ay mayroon na ring kabuuang 78,456 ACMs na nakalagak sa warehouse ng Comelec sa Biñan, Laguna.
May kabuuang 37,329 ACMs naman na ang sumailalim sa hardware acceptance test (HAT) habang 41,127 naman ang isasailalim na rin dito.
Ayon sa Comelec, ang pag-manufacture ng mga ACMs ay natapos ng Miru nang mas maaga ng dalawang buwan, kumpara sa deadline na itinakda para dito.
Samantala, inaasahan naman umano ng Comelec na bago sumapit ang Disyembre ay matatapos na ng Miru ang delivery ng mga naturang ACMs sa Pilipinas.














