By: JESSE RUIZ
LABING ISANG tauhan ng pamahalaan ang nasugatan sa naganap na pananambang sa military convoy ng mga hinihinalang lawless elements o terrorist group sa Tipo-tipo Basilan kahapon ng umaga. Tatlo sa mga sugatan ang nasa malubhang kalagayan ngayon matapos ang isinagawang ambush sa military convoy.
Bukod sa anim na sundalo mula sa 45th Infantry Battalion, may mga nasugatan ding miyembro ng Civilian Armed Auxiliary (CAA) kaya umakyat sa 11 ang bilang ng nasaktan sa pananambang.
Ayon sa Joint Task Force Orion, tinatahak ng tropa ng 45th Infantry Battalion (45IB) ang kahabaan ng national road sakop ng Barangay Badja bandang 7:45 a.m. nang paputukan ng sunod- sunod ang military convoy na pinangungunahan ni Lt. Col. Franco Baylon, 45IB commanding officer.
Brig. Gen. Frederick Sales, commander of the 1101st Infantry “Gagandilan” Brigade, ang convoy ay binubuo ng tatlong KM 450 military trucks at tatlong civilian vehicles na patungo sana ng 1101st Brigade headquarters sa Barangay Tabiawan, Isabela City, via Lamitan City mula Tipo-Tipo nang salakayin sila pagsapit sa Sitio Bauno Dagao sa Barangay Badja. Agad namang naitakbo sa isang pagamutan sa kalapit na lungsod ng Lamitan ang mga biktima.
Kinailangang magsagawa ng medical evacuation mission ang isang Black Hawk helicopter para ma-airlift ang tatlong kritikal sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City .
Agad na ipinag-utos na tukuyin at tugisin ang mga responsable sa pananambang sa mga tauhan ng Philippine Army.














