11 loose firearms, inabandona ng armadong grupo sa Maguindanao del Sur

By: Victor Baldemor Ruiz

Nadiskubre ng mga kasundaluhan ng 33rd Infantry Battalion ang11 piraso ng high-powered firearms matapos inabandona ang mga ito ng mga armadong kalalakihan sa hangganan ng Barangay Pimbalakan at Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon kay Lt. Col. Udgie Villan, Commanding Officer ng 33IB habang nagsasagawa sila ng pulong-pulong sa Barangay Gymnasium ng Tukanalipao ng nasabing munisipyo.

“Agad tayong nagsagawa ng hakbang matapos maibigay sa atin ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan nga mga iniwang armas mula sa grupo ni Zainodin Kiaro para makaiwas sa tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng Joint Law Enforcement Operation.”, ayon kay Lt. Col. Villan.


Kinabibilangan ito ng tatlong Cal. 30 Sniper Rifle, dalawang Grenade Launcher, dalawang M16A1 Rifle, isang Cal. 50 Sniper Rifle, isang Cal. 30 Garand Rifle, isang M14 Rilfe at isang Cal. 30 Carbine M1.

Aabot na ngayon sa 73 loose firearms ang nakumpiska mula sa Joint Army-PNP Law Enforcement Operation simula nitong nakaraang linggo. Ang pagsisikap na ito ng pamahalaan ay alinsunod sa kautusan ng Commander in Chief at President Ferdinand Marcos Jr para sa maayos at matiwasay na pagsasagawa ng National at Midterm Election sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni Maj. Gen. Antonio Nafarrete, 6ID at JTF Central Commander na patuloy na magsasagawa ang Army at PNP ng operasyon kontra sa paglaganap ng ilegal at loose firearms sa Central at South-Central Mindanao.

“Ang inyong kasundaluhan ng 6ID at JTF Central ay mananatiling nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa lahat ng stakeholders upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Kakahaharapin nila ang buong pwersa ng batas kapag hindi sila susunod sa ating panawagang isuko ang mga iligal na armas.”, pahayag ni Maj. Gen. Nafarrete.


Tags: Lt. Col. Udgie Villan

You May Also Like

Most Read