MAY 11 katao ang dagliang nasawi matapos sumalpok ang isang pampasaherong bus sa isang pickup truck sa Abulug, Cagayan madaling araw ng Huwebes.
Sinabi ni Abulug town police chief Maj. Antonio Palattao na ang mga biktima na pawang mga pasahero ng pickup truck, ay namatay noon din sa nangyaring sakuna na naganap pasado hatinggabi sa Ayaga Junction sa Bgy. Lucban.
Ayon kay Palattao, pauwi na sa bayan ng Allacapan ang mga pasahero ng pickup truck na magka-kamaganak mula sa isang libing sa Flora, Apayao habang ang bus ay patungo sa Sta. Ana mula Baguio City, nang mangyari ang aksidente.
“Ang nangyari is ‘yung Florida bus binangga niya yung pickup dito sa driver side. Doon sa video footage kasi na napanood namin is ‘yung pickup dumiretso siya instead na kumanan sana papuntang Tuguegarao, dumiretso siya biglang lumabas dito sa main highway, tamang tama naman nandiyan ‘yung Florida,” ayon kay Palattao.
Dala ng lakas ng impact, bumangga ang pickup truck sa isang stall ng palengke habang ang bus ay tumama namansa pader ng isang establisyimento sa lugar.
Dalawang pasahero ng pickup truck ang umano ay malubhang nasugatan at 23 pasahero ng bus kabilang ang driver at konduktor ang nagtamo naman ng minor injuries at dinala sa ospital ngunit nakalabas na rin.
Samantala, mahaharap ang driver ng bus sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.#