UMAABOT pa lamang sa 10 milyong Pilipino buhat sa 63 milyon na fully vaccinated ang nagpa-booster shot ng anti-COVID-19 vaccine sa bansa, ayon kay Inter-Agency Task Force adviser Dr. Ted Herbosa.
Dahil dito, muling hinikayat ni Herbosa ang mga hindi pa nagpapa-booster na samantalahin na ang ibinibigay na bakuna ng pamahalaan na wala namang babayaran. Mas pinadali na ang pagkuha ng booster shot dahil sa maaari nang magpaturok sa mga piling botika sa bansa.
“You don’t have to pay. There’s no fee. You don’t have to be a resident, all you have to do is show your vaccination card,” ayon kay Herbosa.
Ipinaliwanag ng doktor na hindi naman nawawala ang ‘immunity’ ng isang indibidwal na bakunado na ngunit nababawasan ito kaya kailangan ng booster shot para mas may panlaban sa iba’t ibang variants ng COVID-19 na nagsusulputan.
Samantala, wala pa namang rekomendasyon ang pamahalaan na magpaturok na ng ikaapat na dose. Sinabi ni Herbosa na walang siyentipikong ebidensya na may halaga ang pagkuha ng ikaapat na dose ng bakuna sa ngayon. (Jaymel Manuel)